Himalang nailigtas sa karit ni kamatayan ang isang bagong silang na sanggol na itinapon sa loob ng poso negro ng walang pusong ina nito, sa Zamboanga City, kamaka lawa.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, dakong alas-8 ng gabi nang matagpuan ang sanggol na himalang nabuhay sa paglutang nito sa mga dumi ng tao sa poso negro sa Barangay Cabatangan sa nabanggit na lungsod.
Ayon sa ilang residente, nakarinig sila ng paulit-ulit na iyak ng sanggol kaya kaagad nilang inusisa ang pinagmumulan nito sa loob ng bahay.
Sa paghahanap ng mga kapitbahay, ay namataan ang sanggol na palutang-lutang sa mga dumi ng tao sa poso Negro kaya nagtulung-tulong na maiahon.
Napag-alamang nakakabit pa ang pusod sa inunan kaya ang midwife na si Teodora Mediante na man ang pumutol.
Agad namang dinala sa ospital ang sanggol upang mailigtas sa anumang inpeksyon mula sa mga dumi sa poso negro.
Inaalam naman ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng inang nagtapon sa sanggol na mananagot sa batas sa oras na maaresto ito. (Danilo Garcia)