Shootout: 2 terorista tumba
Dalawang notoryus na miyembro ng Abu Sayyaf Urban Terrorist Group ang inulat na napaslang makaraang makipagbarilan sa tropa ng Philippine Marines at military intelligence operatives sa checkpoint na sakop ng bayan ng Indanan, Sulu noong Biyernes ng gabi.
Sa phone interview, kinilala ni Marine Commandant Major Gen. Ben Mohammad Dolorfino, ang napatay na urban terrorist leader ng Abu Sayyaf na si Faidar Hadjadi alyas Abu Solomon at tauhan nitong si Jaiton Torsita Abubakar.
Bandang alas-7:45 ng gabi nang maharang ng mga elemento ng Task Force Comet at Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines ang dalawa habang lulan ng kulay pulang motorsiklo (JI 8664).
“Actually Solomon was dead-on-the-spot, but the body of Abubakar was recovered also a few meters from the encounter site,” paglilinaw ni Dolorfino sa phone interview.
Napag-alamang si Solomon ay may patong na P.3 milyon dahil sa pagkakasangkot sa kidnap-for-ransom at pambobomba sa rehiyon ng Western Mindanao.
Nabatid na may warrant of arrest si Solomon sa kasong kidnapping and serious illegal detention kaugnay ng pagdukot sa 20-katao sa Dos Palmas resort sa Puerto Princesa City, Palawan noong Mayo 27, 2001. – Joy Cantos
- Latest
- Trending