LUCENA CITY— May 10 Badjao ang isinugod sa ospital makaraang kumain ng kontaminadong tahong sa lungsod na ito kamakalawa ng gabi.
Isang doktor ng Quezon Medical Center na tumangging magpabanggit ng pangalan ang kumilala sa walo sa mga pasyente na sina Alvin Jalmaani, 10; Felisa Germani, 45; Liza Jalmaani, 7; Jolina Maadel, 7, pawang residente ng Barangay Barra; Ana Amor, 44; Sondie, 17, Cristina, 25, at Lariya, 65, pawang may apelyidong Majunad, at naninirahan sa Barangay Dalahican. Ang dalawang iba pa ay maayos na ang kalagayan at nakalabas na ng pagamutan.
Napag-alaman sa pangunang pagsisiyasat na iniulam ng mga biktima sa kanilang hapunan ang naturang mga tahong. Pagkalipas ng ilang sandali ay nangahilo na sila at nagsusuka.
Nabili umano ng mga biktima ang mga tahong sa fishport at umano’y nagmula sa Cavite at Bicol.
Upang makaiwas sa posibleng pagkalat ng sakit, minabuti umano ng mga barangay officials sa lugar na ipatigil muna ang pagtitinda ng tahong. Sinabihan din ang mga residente sa lugar na huwag na munang bumili ng tahong. (Tony Sandoval)