Anim katao ang nasawi makaraang makulong ng apoy sa nasunog nilang tahanan sa Poblacion, Ilawod, Cuartero, Capiz nitong Huwebes ng madaling araw.
Nakilala ang mga biktima na sina Virginia Francisco, 66 anyos, may-ari ng bahay; Joan Francisco, 31; Claudia Sion, 94; Irah Mae Cordevero, 15; Charmaine Arabis, 15 at Michelle Gardose, 13 taong gulang.
Ang mga biktima ay pawang nagmistulang uling ang mga katawan at hindi na makilala bunga ng insidente kung saan sa pamamagitan lamang ng kanilang suot na mga alahas sa katawan ang mga ito nakilala ng kanilang mga kamag-anak.
Batay sa ulat, sinabi ni Cuartero Mayor Roger Flores na naganap ang sunog sa bahay ni Virginia Francisco pasado ala-1:30 ng madaling araw.
Nabatid na ang dalawang nasawing tinedyer ay kapwa estudyante ng Cuartero National High School at nakikituloy lamang sa bahay ng matandang Francisco. Ang iba namang mga biktima ay magkakamag-anak.
Lumilitaw naman sa inisyal na imbestigasyon na isang malakas na pagsabog ang narinig sa lugar na pinaniniwalaang mula sa sumingaw na Liquified Petroleum Gas at kasunod nito ay tuluyang nilamon ng sunog ang naturang bahay.
Sinubukan pa ng mga kapitbahay ng mga biktima na gisingin ang mga ito subalit dahil sa gawa lamang sa light materials ang nasabing bahay, mabilis na kumalat ang apoy at wala ni isa man sa anim na katao na nasa loob ang nakaligtas.