LEGAZPI CITY, Albay – Pinaniniwalaang sinapian ng masamang espiritu ang isang 25-anyos na lalaki kaya pinagtataga hanggang sa mapatay ang kanyang ama at kuya sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Pangpang sa bayan ng Labo, Camarines Norte kamakalawa ng gabi. Kinilala ng pulisya ang mag-amang napatay na sina Generoso Estacion, 65; at Crisanto Estacion, samantalang naaresto naman ang suspek na si Carlito Estacion. Base sa police report naitala ang krimen dakong alas-7 ng gabi matapos pagalitan ng mag-ama ang suspek dahil sa pagiging adik nito at pagkagumon sa alak. Rehas na bakal naman ang binagsakan ng suspek. Ed Casulla at Francis Elevado
Lider ng militante itinumba
KIDAPAWAN CITY – Binaril at napatay ang isang opisyal ng militanteng grupo sa loob ng kanyang tahanan sa Barangay Gabuyan sa bayan ng Kapalong, Davao del Norte kamakalawa ng gabi. Kinilala ni Karapatan Davao Secretary General Kelly Delgado, ang pinakabagong biktima ng extra-judicial killing sa Mindanao na si Rolando Antolihao, 39. Naganap ang pagpatay kay Antolihao, apat na araw pagkatapos paslangin ang isang lider ng magsasaka sa Compostela Valley. Kinondena ng Karapatan ang naganap na krimen na, ayon kay Delgado, ay bahagi ng Oplan bantay laya, isang counter-revolutionary strategy ng gobyernong Arroyo na naglalayong patahimikin ang mga progresibong indibidwal tulad ni Antolihao. Malu Manar
P5M nalimas sa pawnshop
BATANGAS – Umaabot sa P5-milyong halaga ng naisanlang mga alahas ang nalimas makaraang looban ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan ang pawnshop sa Barangay District 2 sa bayan ng Lemery, Batangas noong Martes ng umaga. Ayon kay P/Chief Inspector Charlie Soriano, Lemery police chief, pinasok ng mga kalalakihang miyembro ng Vault Cutter Gang ang Maya Pawnshop sa pagitan ng alas-6 ng gabi at alas-6 ng umaga. Sa imbestigasyon, lumilitaw na winasak ang tagilirang pintuan ng gusali saka nilooban ang pawnshop na pag-aari ni Adelaida Brusoto. Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives para matukoy pagkikilanlan ng mga kawatan. Arnell Ozaeta