Umabot na sa 12 ang bilang ng nasawi sa paglubog ng isang motor banca noong Huwebes ng hapon sa karagatang sakop ng Iloilo.
Nabatid na muling nakakuha kahapon ng bangkay ng isang paslit na sakay rin ng MB Roliv na matatandaang lumubog matapos na makasagupa ng buhawi habang naglalayag sa karagatan.
Kinilala ni Commodore William Melad, pinuno ng Philippine Coast Guard sa Western Visayas, ang biktima na si Jethniel Flores, 3, na unang iniulat na kabilang sa tatlong katao na nawawala dahil sa naturang panibagong trahedya sa karagatan.
Sanhi niya na nabatid na may dalawa pang pasahero ng banka ang hinahanap ng PCG na sina Angelo Tuguero, 50, at Melinda Alopena.
Mula sa 43 kabuuang pasahero at tripulante ng MB Roliv, umaabot na ngayon sa 12 ang kumpirmadong nasawi at 30 ang nakaligtas habang dalawa ang nawawala matapos na lumubog dakong ala-1:00 ng hapon kamakalawa sa Iloilo ang bankang de motor.
Sinasabing umalis umano sa Feeder Port sa Concep cion, Iloilo ang motor banca nang hindi nagsusumite ng kaukulang dokumento sa Coast Guard Mobile Team at sa kabila nang pagbabawal ng PCG sa paglalayag dahil na rin nakaamba sa lugar ang storm signal no. 1 na dulot ng bagyong Quinta.
Kaugnay nito, patuloy na nagsasagawa ang PCG ng search and retrieval operations para sa 10 pasahero nang lumubog na MB Don Dexter Cathlyn na hanggang sa kasalukuyan ay nawawala pa rin.
Ayon sa PCG, bumuti na ang lagay ng panahon sa lugar na kinalubugan ng barko kaya naipagpatuloy na nila ang operasyon na unang itinigil kamakalawa ng umaga dahil sa masamang panahon dulot ng nabanggit na bagyo.
Ang MB Don Dexter Cathlyn ay matatandaang lumubog sa karagatang sakop ng Masbate noong Martes na nagresulta sa pagkamatay ng 42 katao.
Batay sa inisyal na ulat na nakarating sa PCG, overloading ang posibleng dahilan ng paglubog ng barko, na masusi pa umano nilang sinisiyasat. (Doris Franche at Ronilo Ladrido Pamonag)