Pangulo ng transport group sinunog
CAVITE – Nakilala na kahapon ng pulisya ang sunog na bangkay ng lalaki na inabandona ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan sa masukal na bahagi ng Daang Hari sa Barangay Pasong Buwaya 1, Imus, Cavite.
Sa police report na isinumite kay P/Senior Insp. Matias Montefalcon kinilala ang biktima na si Edmon Tan, 55, may-asawa, presidente ng Macro Transport Cooperative at residente ng St. Charles Street, Saint Joseph Park Subd. sa Barangay Pulang Lupa, Las Piñas City.
Ayon kay PO2 Randy de La Rea, natagpuan ang bangkay ni Tan dakong alas-7 ng umaga sa old dumpsite ng nabanggit na barangay.
Positibo naman nakilala ng misis ang sunog na kalahating katawan ng kanyang mister dahil sa palatandaan may opera ito sa ari.
Bago mawala si Tan ay naipagbigay-alam nito sa kanyang misis na may nagbabanta sa kanyang buhay matapos na mapatalsik ang kalabang transport group sa nasabing lugar.
Hindi na nakauwi si Tan simula pa noong Linggo ng Nob 2 hanggang sa matagpuan ang bangkay nito sa nabanggit na barangay at nawawala rin ang kulay berdeng Mitsubishi Adventure (XCH-148) ng biktima.
Masusing iniimbestigahan ng pulisya kung may kinalaman ang kalabang asosasyon.
- Latest
- Trending