4 patay sa flashflood
Apat-katao ang iniulat na nasawi makaraang tangayin ng malakas na tubig baha at landslide na dulot ng pag-ulan sa Sitio Mandaya sa Brgy. Baungan sa bayan ng Manugan, Lanao del Norte kamakalawa. Base sa ulat ng nakarating sa Camp Crame, kabilang sa mga namatay ay sina Goso Maliyawaw, 62; Basingawan Binating, 63 at ang mag-inang Macagilda Manginda at Fatima Manginda, 4. Ang naranasang pagbaha sa nabanggit na lugar na ikinasawi rin ng 13-alagang baboy ay bunsod ng malalakas na pag-ulan nitong nakalipas na mga araw na naging sanhi ng pag-apaw ng tubig sa Sabaan River. Kaugnay nito, pinayuhan ng mga lokal na opisyal ang mga residente sa lugar na isagawa ang kaukulang pag-iingat kaugnay ng posible pang landslide at flashflood. Joy Cantos
11 bata, natodas sa evacuation center
Umaabot na sa 11-bata ang nasawi sa evacuation center makaraang dapuan ng iba’t ibang uri ng karamdaman sa Lanao del Norte, ayon sa ulat kahapon. Sa report ng Regional Disaster Coordinating Council, nabatid na ang mga biktima ay namatay sa mga sakit na pneumonia, tigdas at diarrhea habang kinukupkop sa evacuation center. Gayunman, mababa ang naitalang bilang ng health center kumpara sa pahayag ng mga evacuee na 30 bata na ang namatay simula noong Agosto 18 matapos maghasik ng kaguluhan ang grupo ni 102nd MILF Kumander Bravo na may reward na P10 milyon. Nabatid pa sa report na takot pa ring magsibalikan sa kanilang tahanan ang mga evacuee dahilan sa takot na muling umatake ang grupo ni Kumander Bravo. Joy Cantos
1 dedo, 30 pa nalason sa karneng baboy
Pinaniniwalaang kontaminadong double dead na karne ng baboy na niluto at ipinakain ang naging ugat kaya namatay ang isang sibilyan habang 30 iba pa ang nalason sa baboy sa isang lamay ng patay sa liblib na bahagi ng Barangay Man-atong, Suyo, Ilocos Sur kamakalawa ng gabi. Sa police report na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente sa Sitio Dattoko kung saan ipinamahagi ang lutong karne ng baboy bilang hapunan sa mga nakikipaglamay sa burol ng namatay na residente. Gayon pa man, ilang oras matapos na kumain ng double dead na karne ay nagsipagsuka at nagtae ang mga biktima na dumanas pa ng panghihina, pagkahilo kaya isinugod sa Tagudin District Hospital. Kinumpirma sa ulat ni Dr. Eugene Dauz, ang pagkalason ng mga biktima ay dulot ng karne ng baboy na namatay sa sakit. Nangako naman si Ilocos Sur Vice Governor Jerry Singson ng tulong sa mga biktima. Joy Cantos
- Latest
- Trending