Isang miyembro ng New People’s Army ang nasawi sa lalawigan ng Sorsogon habang dalawang tauhan ng Citizens’ Armed Forces Geographical Unit naman ang sugatan sa isa pa ring engkuwentro sa mga rebeldeng komunista sa Surigao del Sur kamakalawa.
Sa ulat na nakarating sa Kampo Aguinaldo, patuloy pang kinikilala ng Philippine Army ang pagkakakilanlan sa nasawing rebelde habang narekober ang isang M-203 grenade launcher.
Naganap ang engkuwentro sa may Casiguran, Sorsogon. Nagpapatrulya ang mga tauhan ng 8th Scout Ranger Company nang makasagupa ang may 15 rebelde. Tumagal ang sagupaan nang 20 minuto hanggang sa mapilitang umatras ang mga rebelde.
Sa ulat naman ng Camp Crame, dakong alas-4:30 kamakalawa ng hapon nang salakayin ng may 10 rebelde ang detachment ng CAFGU sa may Barangay Mararag, Marihatag, Surigao del Sur.
Sugatan dito ang mga Cafgu na sina Herardo Martecion at Manuel Aru na kapwa nilalapatan ng lunas sa pagamutan. Bigo naman ang mga rebelde na matangay ang mga baril at bala sa detachment dahil sa pagtatanggol ng mga Cafgu.
Samantala, isa pang tower ng Transco ang pinasabog ng mga hindi nakilalang lalaki sa Bukidnon. kamakalawa ng madaling-araw. Ayon kay Eastern Mindanao Command Spokesman Major Randolf Cabangbang, dakong ala-1:00 ng madaling-araw nang pasabugin ang Transco tower no. 222 sa Barangay Panadtalan sa bayan ng Maramag. (Danilo Garcia at Ed Casulla)