Dahilan sa kahihiyan matapos na sitahin sa pagkakamali at sapakin pa sa harapan ng mga kasamahang sundalo, isang tinyente ng Phil. Army ang pinagbabaril at napatay ng isang sarhento habang isa pa nitong opisyal ang nasugatan sa badminton court ng military detachment sa bayan ng Placer, Surigao del Norte kamakalawa ng gabi.
Idineklarang patay sa Miranda Hospital si 2nd Lt. Albert Amat, habang ginagamot ang isa pang batang opisyal na si 2nd Lt. Joe Patrick Martinez.
Nahaharap naman sa kasong kriminal si T/Sergeant Neptael Maglangit ng Army’s 30th Infantry Battalion sa ilalim ng 4th Infantry Division.
Sa ulat na nakarating sa Camp Aguinaldo, naganap ang insidente sa badminton court ng 30th Infantry Battalion sa Brgy. Sta.Cruz sa bayan ng Placer bandang alas-9 ng gabi.
Napag-alamang tinawag ni Amat si Maglangit saka sinita sa nagawang pagkakamali sa harapan mismo ng nakalinyang mga sundalo.
Sinagot ng pabalang ng suspek si Amat kaya nagalit ang opisyal at sapakin ito kung saan pagtalikod ng opisyal ay ilang putok ng baril ang umalingawngaw sa lugar.
Duguang bumagsak si Amat habang sugatan rin ang kasamahan nitong opisyal na si Martinez.
Kaugnay nito, isinailalim na sa paraffin test ang mga sundalo ng 30th Infantry Battalion maging ang kani-kanilang armas ay sumailalaim sa ballistic test. (Joy Cantos)