KIDAPAWAN CITY – Isang miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (Cafgu) ang iniulat na napatay habang apat iba pa ang nasugatan sa naganap na pagsalakay ng mga rebeldeng New People’s Army sa kampo ng militar sa Barangay Luna Sur sa bayan ng Makilala, North Cotabato kamakalawa ng umaga. Kinilala ang napatay na si Antonio Kikoy habang sugatan naman sina Army M/Sgt. Felipe Bernante ng 37th IB, Cafgu detachment commander; Ramel Gonzaga, Roberto Gulada at ang barangay tanod na si Ronie Adajar. (Malu Manar)
Pulis itinumba sa trapik
CAVITE – Karit ni kamatayan ang sumalubong sa isang pulis makaraang ratratin ng ‘di-pa kilalang lalaki sa kahabaan ng Soriano Highway sa bayan ng Tanza, Cavite, kamakalawa ng gabi. Naisugod pa sa Divine Grace Hospital ang biktimang si SP01 Amelito Lemon Habana, nakatalaga sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Tanza. Ayon kay P01 Danny Fugoso, nagmamantine ng trapik ang biktima nang lapitan at pagbabarilin ng di-pa kilalang lalaki na sakay ng motorsiklong may plakang VB-1079. (Cristina Timbang)
Trader dinedo ng kawatan
LEGAZPI CITY, Albay – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 44-anyos na trader makaraang looban ang kanyang tindahan ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan sa Barangay San Ramon sa bayan ng Uson, Masbate kahapon ng umaga. Kinilala ng pulisya ang napaslang na si Lino Clores Lim Jr. Sa inisyal na imbestigasyon ang pulisya, nag-iisang nagbabantay ng tindahan ng biktima nang pasukin at isagawa ang krimen ng mga armadong kalalakihan bandang alas-11:30 ng umaga. (Ed Casulla)