CAMP GUILLERMO NAKAR, Lucena City – Aabot sa pitong preso ang itinakas ng mga rebeldeng New People’s Army sa naganap na pagsalakay sa Quezon Provicial Jail noong Sabado ng gabi.
Ayon kay Captain Lea Santiago, Southern Luzon Command (Solcom) Public Information Officer, pawang nakasuot ng kulay itim na t-shirt na may tatak na Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at PNP-SWAT markings, nilusob ng mga rebelde ang provincial jail at ikinulong ang mga guwardiya matapos madisarmahan bandang alas-6:15 ng gabi.
Kabilang sa mga presong naitakas ay sina Gemma Carag, secretary ng Kilusang Larangan Guerilla (KLG) 42; Cecilia Mondia, Grupong Pang-organisa (GP), KLG 42; Noel Santos, secretary ng KLG general headquarters; Gerson Carabio, platoon leader ng Sentro De Grabidad ng KLG 42; Fernando Tawagon, platoon leader ng AKL Plager; Arnold Valencia, miyembro ng Sandatahang Yunit Propaganda (SYP), Komitee sa Platoon (KSPN) at si Rogelio Monteverda, na nahaharap sa kasong murder at inaalam pa kung bakit siya isinama ng mga rebelde sa pagtakas.
Sakay ng apat na van at armado ng matataas na kalibre ng baril kabilang na ang M-60 machine gun, nilusob at naitakas ng mga rebelde ang mga preso na tumagal lamang ng 10-minuto bago nagsitakas sa ibat-ibang direksyon.
Natangay rin ng mga rebelde ang limang baril, shotgun at isang handheld radio mula sa mga jailguards at sa guwardya ng capitol building security na sina Ronaldo Llose at Abner Ramos.
Mabilis namang nagsagawa ng blocking operation ang mga awtoridad hanggang sa maharang ang mga ito sa checkpoint sa Barangay Iyam sa Lucena City.
Subalit, imbes na huminto, naghagis pa ng granada ang mga rebelde na ikinasugat nina SPO1 Florencio Envase, PO1 Darwin Japor at ang dalawang sibilyang sina Daryl Javier, 12; at Marlon Santos na naisugod naman sa Mt. Carmel General Hospital.
Narekober naman ang mga sasakyang KIA Pregio (WCR-121), Mitsubishi L300 van (WJA-369), Hyundai saloon na may plakang WSM-627 at motorsiklo.
Napag-alamang sinibak na ni Quezon Governor Rafael Nantes sina provincial warden Supt. Archimedes Mortiz at ang deputy warden Maximo Manalo, na sinasabing nag-seminar sa Maynila kasama ang iba pang tauhan nito. (Dagdag ulat nina Ed Amoroso at Danilo Garcia)