CAMARINES NOR TE – Matagumpay na naidaos ang pagdiriwang ng kauna-unahang Rahugan Festival sa bayan ng Basud makaraang dagsain ng Libu libong residente buhat sa mga karatig lalawigan ng Camarines Norte kasabay ng ika-99 na pagkakatatag ng nasabing bayan.
Pangunahing nasaksihan ang parade, drum and Lyre Corps competition, street dancing na nilahukan ng 29-barangay at ang pagandahan ng hitsura ng alagang kalabaw. Kabilang din dito ang pagdaraos ng Mutya ng Basud, Laro ng Lahi at ang gabi ng parangal sa mga Lolo at Lola.
Pinangunahan ni Mayor Silverio G. Quiñones lll, ang makulay na Rahugan Festival na may temang “Rahugan: Sama- sama, Ipakilala, Basudenong Yaman at Kultura” na nagsimula noong Oktubre 18 hanggang Oktubre 24 at isinabay ang kapistahan ng kanilang patron St. Raphael the Archangel.
Ang salitang Rahugan ay hinango sa rahug o tangkay ng niyog at nakilala ang bayan ng Basud sa pagiging magaling sa pagluluto ng gata katulad ng paggawa ng Bukayo, Lunok, Lukad at Bunut at bilang Buko King.
Katuwang ng alkalde sa mga pagdiriwang ang pamunuan ng National Commission on Culture Arts, SB member, LGU Basud at mga barangay officials. (Francis Elevado)