Napaaga ang karit ni kamatayan sa isang vice mayor at driver nito makaraang ratratin ng tatlong armadong kalalakihan kahapon ng hapon sa bayan ng San Manuel, Tarlac.
Sa phone interview, kinilala ni P/Senior Supt. Rudy Lacadin, Tarlac police director, ang mga biktimang sina San Manuel Vice Mayor Reynaldo Malazo, 63; at Romy Abarrientos.
Base sa police report na nakarating sa Cam Crame, naganap ang pananambang malapit sa bahay ng bise alkalde sa Barangay Salcedo, pasado ala-una ng hapon.
Napag-alamang papauwi na ang opisyal mula sa Nueva Ecija matapos itong dumalo sa kasalan nang harangin at pagbabarilin ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihang lulan ng motorsiklo.
Kaugnay nito, bumuo na ng Task Force Malazo ang pulisya upang imbestigahan ang pagkakapatay sa mga biktima.
Sa kasalukuyan, ayon pa sa opisyal ay anggulo ng alitan sa lupa ang sinisilip nilang motibo sa krimen matapos ang kaniyang pakikipag-usap kay San Manuel Mayor Jose Villa Agustin. (Joy Cantos )