Isinugod sa pagamutan ang anim na bata matapos malason sa kinaing bunga ng tuba-tuba habang naglalaro sa Alabel, Sarangani kamakalawa. Kinilala ang mga biktima na magkakapatid na Rose May, 5-anyos; May Rose, 6 at Lalyn Timon, 4 taong gulang; gayundin sina Armelyn Coronia, 6; Dessa Mae Coronia, 4 at Rhea Mae Mata, 8-anyos. Ang mga ito ay pawang residente ng Saci Compound sa Barangay Maribulan sa Alabel.
Naglalaro ang mga bata nang makita ang bunga ng tuba-tuba na kanilang pinitas sa paga-akalang isa lamang itong uri ng prutas. Ang nasabing bunga ng tuba-tuba ay inihaw, pinaghatian saka kinain ng mga musmos.
Ang tuba-tuba ay isang uri ng bunga na maaring gawing bio diesel at nakalalason kapag kinain ng tao. Gayunman, makaraan ang ilang oras, nakaramdam ng pananakit ng tiyan, pagkahilo at pagsusuka ang mga bata dahilan upang isugod sila sa General Santos City Hospital sa South Cotabato. (Joy Cantos)