371 elementary pupil nalason sa lollipop mula sa Indonesia
Umaabot sa 371 elementary pupil ang isinugod sa pagamutan matapos malason sa umano’y kontaminadong lollipop na gawa sa Jakarta, Indonesia kamakalawa ng umaga sa Bataraza, Palawan.
Sinabi ni Police Regional Office 4-B Director Chief Supt. Luisito Palmera na ang mga biktima ay pawang estudyante ng Rio Tuba Nickel Elementary at Annex School sa Barangay Rio Tuba sa naturang munisipalidad.
Ayon sa imbestigasyon, dakong alas-9:00 ng umaga nang magsibili ang mga batang estudyante ng kending lollipop mula sa isang ambulant vendor sa may gate ng kanilang eskuwelahan.
Napag-alaman na ang nasabing lollipop na gawa sa Jakarta, Indonesia ay may expiration date na Disyembre 12, 2007.
Habang itinitinda sa gate ng eskuwelahan ang nasabing lollipop ay pinag-agawan pa ito ng mga elementary pupil matapos na maakit sa magandang pagkakabalot at iba’t ibang kulay ng naturang kendi.
Gayunman, ayon kay Pal mera, makaraan ang ilang oras matapos na maubos ng mga bata ang lollipop ay nakaramdam na ang mga ito ng pananakit ng ulo, pagkahilo, pagsusuka at pananakit ng tiyan.
Hinihinalang nakuha ng vendor ang ibenentang kendi sa isang basurahan at dahil sa panghihinayang ay ipinagbili ito upang pagkakitaan. Iniimbestigahan pa ang kasong ito. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending