Mag-aama kinatay ng houseboy
Isang barangay chairman at dalawa niyang maliit na anak ang pinagtataga at napatay ng kanilang houseboy nang pakainin ito ng baboy at mabigo itong makabale ng pera sa Batac City, Ilocos Norte, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Kinilala ni Ilocos Norte Police Provincial Director Senior Supt Roman Felix ang mga biktima na sina Rene Ballesteros, ng Baoa West, Batac City; mga anak nitong sina Maureen, 5-anyos, at Eloisa, 4-anyos.
Ayon kay Felix, ang krimen ay nadiskubre kahapon dakong alas-8:00 ng umaga. Pinaniniwalaang minasaker ang mag-aama kamakalawa ng gabi.
Gayunman, sa follow-up operation ng pulisya, napatay nito ang nasukol na suspek na kinilala lamang sa alyas na Rey Delawan, 24 anyos, tubong-Mindanao.
Ang chairman ay nagtamo ng malalim at malalaking sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan partikular na sa ulo at leeg habang ang kanyang anak na si Maureen ay nagtamo rin ng malaking sugat sa noo at sa tiyan samantalang si Eloisa ay nagtamo naman ng malaki ring sugat sa likod ng ulo.
Sinasabi ng ilang kapitbahay na posibleng nagtanim umano ng matinding galit si Rey sa kaniyang amo dahil tumanggi itong bigyan siya ng cash advance para makauwi sa kanyang bayan sa Mindanao.
Lalo itong nagwala nang mabatid na ang ulam na ipinakain sa kaniya ng amo ay baboy pala na pinandidirihan at bawal na bawal sa tradisyon ng mga Muslim na siyang relihiyon ng suspek.
Kinagabihan, bigla na lamang umanong naghuramentado ang nasabing suspect na hindi makausap noong Miyerkules ng hapon at nakatingin sa malayo kung saan kinagabihan matapos itong kumuha ng itak ay pinagtataga ang amo at idinamay pati mga bata na ’di pa nakuntento ay pinagsasaksak pa ang mga ito.
Ang suspek ay ilang buwan pa lamang nagtatrabaho sa tahanan ni Ballesteros. Ang misis ng opisyal ay nagtatrabaho sa Hong Kong.
Narekober naman sa crime scene ang duguang itak at kutsilyo na ginamit sa pagmasaker sa mag-aama.
Ayon kay Felix, si Delawan na taga-Esperanza, Agusan del Sur ay binaril ng mga awtoridad kahapon matapos mang-“hostage” ng isang bata sa Brgy. Baligat ng lungsod habang papatakas.
Ilang oras matapos madiskubre ang krimen ay nasukol ng mga awtoridad si Delawan sa Sitio Cuatro sa Barangay Baligat ng lungsod subali’t nagtatakbo ito at nambihag ng bata bunsod upang paputukan ito ng arresting team ng pulisya.
Una nang naglaan ng P10,000 reward si Association of Brgy. Captains President James Paul Goron Nalupta sa ikadarakip ng nasabing suspek.
Narekober naman ng mga awtoridad kay Delawan na nasawi sa tatlong tama ng bala sa katawan ang isang kutsilyo.
- Latest
- Trending