3 holdaper todas sa pakikipagbarilan
Camp Vicente Lim, Laguna – Nagwakas na ang kasamaan ng tatlong hinihinalang holdaper matapos silang mapatay sa pakikipagbarilan sa mga pulis sa Sta. Rosa City, Laguna kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni Superintendent Primitivo Tabujara, Police Regional Intelligence Division chief, ang dalawa sa tatlong suspek na napa tay sa pamamagitan ng identification cards na nakuha sa kanilang mga bulsa na sina Roman Dutosme at Leodegario Permejo, pawang residente ng Area Gate 3 Parola, Tondo samantalang nananatiling unidentified pa rin ang pangatlong suspek.
Ayon sa report, armado ng calibre 38 baril, hinoldap umano ng mga suspek ang isang sangay ng Flying V Gas Station sa Barangay Balibago at tinangay ang hindi pa malamang halaga ng pera bandang alas-3:30 ng madaling-araw at tumakas sakay ng isang tricycle.
Matapos ang holdap, mabilis namang ipinaalam ng mga empleyado ng Flying V ang nangyari sa himpilan ng pulisya na nagbunsod para magsagawa ng hot pursuit at dragnet operation ang mga tauhan ng Region 4 Intelligence Group at Sta. Rosa police laban sa mga suspek
Makaraan ang isang oras, namataan ng mga awtoridad ang mga suspek sa may Mariquita Subdivision sakop ng Barangay Dita na sa halip na huminto ay nakipagbarilan pa sila sa mga pulis na naging dahilan ng kanilang kamatayan.
Narekober mula sa mga suspek ang tatlong pirasong caliber 38 pistol, salapi na hindi pa malaman ang halaga habang isinusulat ito at ang ginamit na tricycle.
Ang bangkay ng mga suspek ay positibong kinilala ng mga empleyado ng Flying V.
- Latest
- Trending