DARAGA, Albay – Isang ina at dalawang anak nito ang isinugod sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital nang malason sa nakain nilang panis na fried chicken na naunang nabili sa isang tabing-kalsada sa Barangay Inarado ng bayang ito kamakalawa ng gabi.
Sinasabing nahilo at nagsusuka sina Virginia Magallon at mga anak niyang sina Charissa at Catrina makaraang makain ang pritong manok.
Napag-alaman na nagpabili ng fried chicken ang mister ni Virginia sa isa niyang kaibigang si Porporio Natad Jr. kaya mabilis itong nagtungo sa poblacion upang bumili ng pagkain. Nabatid ang fried chicken sa YOKS, isa sa mga tindahang naglalako ng pritong manok sa tabi ng kalsada sa harapan ng Ninoy Aquino Park.
Mabilis naman na pinagsaluhan ng mag-iina na kani lang inulam sa kanilang hapunan ang fried chicken subalit makalipas ang ilang oras ay nahilo at nagsusuka sila hanggang isugod sila sa ospital.
Lumitaw sa pagsusuri ng mga duktor na positibong nalason sa panis na fried chicken ang mga biktima.