Holdap: P.7M payroll tangay, sekyu inutas

BATANGAS – Nagbuwis ng buhay ang isang 45-anyos na security guard ma­karaang barilin ng dala­wang ‘di-pa kilalang kalalakihan na nangholdap sa kanyang amo na nag-withdraw ng malaking halaga sa banko sa bayan ng Bauan, Ba­tangas kahapon ng tang­ hali.

Kinilala ni P/Supt. Antonio Malabanan, Bauan police chief, ang napatay na sekyu na si Catalino Anglo ng Blue Tip Security Agency at naka-assign sa CKU Steel Corp. sa Barangay May­naga, Mabini, Batangas.

Base sa police report, ipinagmaneho at binigyan ng security ni Anglo, ang Taiwanese na manager ng CKU na si Joan Tsai, para mag-withdraw ng P.7 mil­yong payroll sa sangay ng Metrobank sa Bauan ban­dang alas-12:30 ng hapon.

Pabalik na ng pabrika ang dalawa sakay ng Toyota Revo (VAB-827) sa kaha­baan ng highway sa Ba­rangay Bolo nang harangin ng kulay maroon na Ta­maraw FX at isang kulay asul na kotse saka utusang huminto habang nakatutok ang mga baril ng dalawang suspek.

Sa pahayag ni Tsai sa mga imbestigador ng pu­lisya, dalawang naka-bonnet ang bumaba sa isang sa­sakyan at mabilis na binuk­san ang kanilang service vehicle bago pinagbabaril si Anglo.

Hindi naman sinaktan si Tsai matapos agawin sa kanya ng mga holdaper ang bag na naglalaman ng pera bago nagsitakas patungo sa direksyon ng bayan ng Mabini.

Nagsagawa na ng follow-up operations ang pulisya laban sa mga holdaper. (Dagdag ulat ni Joy Cantos)

Show comments