Mayor Cuerpo, 3 pa sinuspinde ng Sandiganbayan
RIZAL - Sinuspinde ng 90-araw ng Sandiganbayan si Rodriguez, Rizal Mayor Pedro Cuerpo at tatlong iba pang lokal na opisyal ng nasabing bayan sa kasong graft na isinampa ng mga residente.
Base sa kautusang inilabas ng 1st Division ng Sandiganbayan, bukod kay Cuerpo ay binigyan din ng 90 araw na suspensyon sina Rodriguez municipal engineer Fernando Rono, Barangay Chairman Salvador Simbulan at ang opisyal ng PNP na si Renato Evasco.
Ang suspension ay bilang tugon sa petisyon ni Ombudsman Special Assistant Prosecutor Maria Janina Hidalgo dahil sa reklamong graft na isinampa ng ilang residente na sapat na ebidensya para kasuhan si Mayor Cuerpo, at ang mga nasabing opisyal sa paglabag sa Section 3 ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Kabilang sa mga nagreklamo ay sina Leticia Nanay, Nancy Barsubia, Gemma Bernal, Ma. Victoria Ramirez, Crisanta Oxina and Adelaida Ebio na nagsabing si Mayor Cuerpo at ang iba pang inakusahan ay pinigilan silang gamitin ang kanilang lupa ayon sa batas at sapilitang pinagiba ang kanilang mga tirahan na walang legal na basehan.
Sa pagsuspinde kay Mayor Cuerpo at kanyang mga kasama, ipinaliwanag ng Sandiganbayan na ito ay base sa Seksyon 13 ng R.A. 3019 na “naging mandatory sa naturang korte na suspendihin ang sinumang opisyal ng gobyerno na mayroong sapat at makatuwirang impormasyong paghabla, para sa paglabag sa batas o anumang panlulustay ng pondo ng gobyerno o ari-arian nito.
Hindi naman nakuha ang panig ni Mayaor Cuerpo at tatlong iba pa kaugnay sa kasong kinakaharap. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending