ANGAT, Bulacan – Inaresto kamakalawa ng pulisya si Yolanda Domingo, 25, ng Tondo, Manila makaraang magtangka siyang magsangla ng mga pekeng alahas na ginto kay Maricar Ambas, 27, may-ari ng KP Pawnshop sa Barangay Sta. Cruz sa bayang ito. Aabot sana sa daang-libong piso ang mawawala kay Ambas kung hindi niya agad natuklasan na peke ang mga alahas na isinasangla ng suspek. (Boy Cruz)
Parke pinasok ng illegal loggers
BALER, Aurora – Muli umanong kumikilos ang mga illegal loggers na armado pa umano ng malalakas na kalibre ng baril sa loob pa ng pinoprotektahang 5,676 ektaryang Aurora Memorial National Park.
Ayon sa isang provincial board member, talamak ang pamumutol ng kahoy sa loob ng parke at ipinupuslit ang libu-libong board feet ng kahoy tuwing gabi.
Sinabi ni Board Member Mariano Tangson sa kanilang regular session ng Sangguniang Panlalawigan na ang ang mga illegal loggers na ito ay nakapasok na sa national park na hindi man lang naamoy ng Philippine National Police dito at ng Department of Environment and Natural Resources. (Christian Ryan Sta. Ana)
Rape suspek timbog
BANGUED, Abra – Nadakip kahapon ng pulisya si Arnold Batallones, 27, na suspek sa panggagahasa sa isang bata sa Barangay Bangbangar sa bayang ito. Si Batallones ay nakatala bilang Number 10th top most wanted person sa Bangued. Ang kanyang pagkakaaresto ay bunga ng warrant of arrest na pinalabas ni Judge Corpuz Alzate. (Myds Supnad)