Napaaga ang salubong ni kamatayan sa mag-asawang negosyante makaraang ratratin sa pamilihang bayan ng Ibajay, Aklan kahapon.
Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina ret. P/Senior Inspector Romeo Inggada, dating hepe ng pulisya sa bayan ng Ibajay at misis nitong si Lourdes Inggada.
Sumuko naman sa pulisya ang suspek na si Manuel alyas Dodoy Palay matapos mapatay ang mag-asawa.
Sa police report na isinumite sa Camp Crame, naganap ang krimen habang inaasikaso ng mag-asawa ang kanilang puwesto sa palengke.
Sa pahayag sa pulisya ni Armando Magallanes, bayaw ng dating police chief, matagal nang may kinikimkim na galit ang suspek kay Romeo na humantong sa pamamaslang.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumilitaw na alitan sa lupain ang motibo ng pamamaslang sa mag-asawa.
Kasalukuyan na ngayong nakapiit sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Ibajay ang suspek habang inihahanda na ang pagsasampa ng kasong kriminal. Joy Cantos