Pinagbabaril muna ng isang selosong lover ang kanyang live-in partner bago nag-suicide sa pamamagitan ng pagkuryente sa sarili sa Toledo City, Cebu kamakalawa ng gabi.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, dakong alas-10 ng gabi nang paslangin ng suspek na si Biato Macapas, 57, ang kaniyang ka-live-in na si Analie Merta, 26, ng Brgy. Poblacion.
Sa salaysay ng ilang kapitbahay sa pulisya, narinig pa nilang nag-aaway ang magka-live-in dahil nakikipaghiwalay si Merta sa suspek.
Napag-alamang may napupusuang dayuhan si Merta kaya nagdesisyong makipaghiwalay na ito kay Macapas na sobrang seloso.
“Kung hindi ka rin lang magiging akin, mas nanaisin ko pang mamatay ka kaysa mapunta ka sa iba,” sigaw ng suspek na narinig pa ng kanilang mga kapitbahay sa gitna ng malalakas na kalabugan sa loob ng tahanan ng magka-live-in.
Gayon pa man, dakong alas-3 naman ng madaling-araw kahapon, narinig na pumapalahaw si Macapas at nang tunguhin ng mga kaanak, nakita na lamang ang sunog na katawan nito sa tabi ng duguang bangkay ni Merta na nag-suicide matapos na kuryentehin ang kaniyang sarili. Joy Cantos