4 katao hinatulan ng 2 'life'
Apat-katao na naaktuhan sa loob ng shabu lab noong 2005 na sinalakay ng mga tauhan ng Phil. Drug Enforcement Agency (PDEA) ang hinatulan ng mababang korte ng dalawang habambuhay na pagkabilanggo sa Davao City. Bukod sa pagkabilanggo, inatasan ng Davao Regional Trial Court na magbayad ng P5.5 milyong bawat isa ang mga akusadong sina Carlos Sy, Jong Pilapil, Jedy Sy, at ang nakakalayang si Shi Jin Sheng. Ang mga akusado ay napatunayang lumabag sa Section 10 at Section 8 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act o pagmamantine ng mga kagamitan at produksyon ng iligal na droga. Pinasalamatan naman ni PDEA Director General Dionisio Santiago Jr. si Judge Romeo Albarracin ng Davao RTC Branch 9 dahil sa tapat na pagrebisa at paghatol nito sa kaso ng mga miyembro ng sindikato. Maging sina Davao City Prosecutor Retrina Fuentes at Nanette Leman ay pinapurihan ni Santiago dahil sa pagsusulong ng kaso laban sa mga suspek sa korte. Danilo Garcia
Anak sinaksak ng ama
GUMACA, Quezon – Kasalukuyang nakikipagbuno kay kamatayan ang isang 13-anyos na lalaki makaraang saksakin ng sariling ama dahil sa pakikipanood ng telebisyon sa kanilang kapitbahay sa Barangay Buensoceso ng bayan ng Gumaca, Quezon, kamakalawa ng gabi. Nagtamo ng sugat sa braso at dibdib ang biktimang itinago sa pangalang Ryan habang naaresto at kinasuhan ng pulisya ang suspek na si Michael Olivera, 38. Base sa imbestigasyon ni SPO3 Wilfredo Borgonia, nakikipanood ng telebisyon ang biktima nang tawagin ng kanyang tatay na lango sa alak. Nang hindi tumugon ang biktima ay pumasok sa bahay ang senglot na suspek kaya inundayan ng patalim ang nakaupong anak.Tatakas sana ang suspek subalit mabilis itong nahawakan ng kanyang mga kapitbahay saka dinala sa himpilan ng pulisya. Tony Sandoval
Kidnaper ng trader tiklo
Kalaboso ang binagsakan ng isang miyembro ng kidnap-for-ransom gang makaraang madakip ng pulisya sa bahagi ng Sinsuat Avenue sa Cotabato City kamakalawa. Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Bansawan Ibrahim ng Branch 13, 12th Judicial Region ng Cotabato City, naaresto ang suspek na si Saudi Hashim Kasan na kabilang sa watchlist ng pulisya. Sa tala ng pulisya, ang suspek ay sangkot sa pagdukot kay Chenikandiyil Abdul Kadar na may-ari ng CK Cellular Phone Center sa Cotabato City na kinidnap noong Mayo 2, 2008. Napag-alamang pinalaya ang biktima matapos na magbayad ng P.5 milyon ang ikalawang misis nito na nakabase sa Davao City. Ang unang asawa ng biktima na si Arbaya Kadar ay lumilitaw na kasabwat ng mga kidnapper at nauna nang sumuko sa mga awtoridad matapos na makonsensya. Joy Cantos
- Latest
- Trending