8 obrerong minaltrato, naisalba
CAMP VICENTE LIM, Laguna – Walong kalalakihan na pinaniniwalaang minaltrato ng abusadong amo ang sinagip ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isinagawang operasyon sa bayan ng Laurel at Talisay sa Batangas kahapon ng umaga.
Kinilala ni P/Senior Supt. Christopher Laxa, hepe ng CIDG Region 4-A, ang mga biktima na sina Danilo Sabiate, 18; Edmundo Paculanang, 22; Glen Pantallano, 18; Marlon Gaco, 18; Marlon Rimullo, 21; Gerry Paculanang, 28; Joseph Coronel, 23; at si Joseph Mangubat na pawang mga residente ng Zamboanga.
Ayon sa ulat, sinalakay ang palaisdaan ni Vicente Encarnacion sa Brgy. Leviste sa bayan ng Laurel at Brgy. Balantoc sa bayan ng Talisay matapos magreklamo ang mga magulang ng walo dahil sa di-makataong kondisyon ng mga manggagawa sa nasabing lugar.
Ayon sa mga biktimang trabahador ni Encarnacion, hindi sila pinakakain sa oras, hindi pinasasahod at binabantaan pang papatayin kapag tumakas sa kanilang trabaho.
Sa pangunguna ni P/Senior Insp. Benjie Calapiz ng CIDG-Batangas, inaresto si Encarnacion bandang alas-5 ng umaga at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9208 o anti-trafficking in persons. Isinailalim naman sa medical check-up ang mga nasagip na trabahador . Arnell Ozaeta at Ed Amoroso
- Latest
- Trending