Matapos ideklara ng Supreme Court na unconstitutional ang Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD) na iginigiit ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), labintatlong nagtaksil sa nasabing grupo ang iniulat na napaslang habang 30 iba pa ang nasugatan sa inilunsad na ground at air strike operations ng tropa ng militar sa liblib na bahagi ng mga Brgy. Nimoa at Gawang sa bayan ng Datu Piang, Maguindanao kamakalawa ng hapon.
“They suffered at least 13 killed that is based on the report of our ground forces and 30 wounded, our ground and air forces hit the specified target, they are on the run now,” pahayag ni AFP Vice Chief of Staff at Joint Task Force Mindanao Commander Lt. Gen. Cardozo Luna.
Napag-alamang pinalibutan ng mga tangke ng Army troops ang pinagkukutaan ng mga nagtaksil na MILF na pinamumunuan ni Kumander Kato habang tumulong ang mga fighter plane ng Air Force sa opensiba.
Tumagal ng 2-oras ang assault ng militar na nagresulta sa pagkakapaslang sa may 13 rebelde bagaman hindi naidetalye ng opisyal kung ilan ang narekober na bangkay.
“They are low in logistic and resorting to banditry now, we received reports that they extort foods from civilian residents,” dagdag pa ni Luna .
Samantala, sa inilunsad na opensiba ng militar ay napilitang magsipagtago sa kabundukan ng Maguindanao ang grupo ni Commander Kato, ayon pa sa opisyal.