Nilamon ng dagat ang mag-aama makaraang tumalon mula sa sinasakyang bangkang-de-motor sa karagatan ng Brgy. Lasang, Bunawan District, Davao City kamakalawa. Narekober naman ang mga bangkay nina Danilo Patindol Sr., 47; Joshua Dan, 12; at Danilo Jr., 10, na pawang residente ng Panabo City, Davao del Norte. Base sa police report na nakarating sa Camp Crame, pauwi na ang mag-aamang sakay ng bangka matapos bumisita sa kanilang kamag-anak na si Alejandro Patindol sa Sitio Tambungon ng nabanggit na distrito. Gayon pa man, habang naglalayag sa karagatan ay binalya ng malalakas na alon ang bangka kaya nagsitalunan ang mag-aama. Nakaligtas naman sa trahedya ang anak ni Alejandro Patindol na si Angelo makaraang mamataan ng mga mangingisda sa Bunawan. (Joy Cantos)
Ama kinatay ng anak
Pinaniniwalaang sinapian ng masamang espiritu ang isang 24-anyos na anak kaya nagawang pagtatagain hanggang sa mapatay ang sariling ama sa loob ng kanilang tahanan sa bayan ng Mutia, Zamboanga del Norte kamakalawa. Nagmistulang kinatay na manok ang katawan ni Alberto Tumagna, habang naaresto naman ang suspek na si Ruben Tumagna, 24. Sa ulat ng pulisya na nakarating sa Camp Crame, naitala ang krimen pasado alas-8 ng gabi habang nag-iinuman ng alak ang mag-ama sa loob ng kanilang bahay. Ilang oras pa lamang ang nakalipas ay nakarinig ang mga kapitbahay ng malalakas na hiyaw na nagmumula sa loob ng bahay ng pamilya Tumagna at paghingi ng saklolo ng matandang Tumagna. Agad na rumesponde ang ilang kapitbahay at namataang ang suspek na may hawak na itak at tinataga ang sariling ama. (Joy Cantos)
Amok sa bar: 4 utas
Dahil sa pagkakabitin sa pagkanta, nag-amok at namaril ang isang lalaking kustomer sa loob ng videoke bar na ikinasawi ng apat-katao habang apat iba pa ang sugatan sa Brgy. Batulawan, Pikit, North Cotabato, ka makalawa ng gabi. Kabilang sa mga nasawi ay sina Datu Puti Manibpil, Usman Sindatoc, Basit Banwil at si Alim Mocalid. Tugis naman ng pulisya ang suspek na si Toto Ingkal na tumakas bitbit ang M 16 rifle. Sa police report na isinumite sa Camp Crame, lumilitaw na kumakanta si Ingkal nang biglang patayin ng may-ari ng videoke bar ang videoke machine para magsara na pero ayaw pang paawat sa pagvi-videoke ng suspek. Dahil dito, nagalit ang suspek na lango sa alak at kaagad na namaril. (Joy Cantos)