Libong materyales ng bomba nasabat
BATANGAS CITY – Dahil sa pinalakas na operasyon laban sa terorismo, nasabat ang libu-libong materyales na ginagamit sa pampasabog na nakatago sa pampasaherong bus papuntang Iloilo sa Batangas Port kamakalawa.
Ayon kay Lt. Commander Troy Cornelio, station commander ng Batangas Coast Guard, umaabot sa 6,100 piraso ng blasting caps at 3,050 piraso ng time fuse ang naamoy ng kanilang K-9 units habang nakatago sa compartment ng Ceres Bus (FWM-949) at nakatakdang isakay sana sa M/V Ursula ng Montenegro Shipping Lines.
Napag-alamang biglang umupo ang isang Labrador K-9 dog (Sea Woman Courage) na hinahawakan ni Coastguard Seaman 2ndTaylor Paday-os nang maamoy mula sa dalawang kahon ang materyales sa paggawa ng bomba.
“Maari din itong gamitin sa mining operation pero kailangan nilang kumuha ng kaukulang permit,” pahayag pa ni Cornelio.
Sinubukang tawagan nina Cornelio ang celfon na nakapaskel sa dalawang kahon pero hindi na ito sinasagot.
Ayon naman kay Commodore Cecil Chen, kumander ng Coast Guard sa Southern Tagalog, posibleng isinakay na lang ang naturang bagahe ng walang kasamang tao at sasalubungin nalang sa destinasyon kapag nakalusot sa mga awtoridad ng puerto.
Iniimbestigahan na din ang bus driver na si Abner Chan at ang konductor na si Reymel Libuna para matukoy kung sino ang may-ari ng bagahe. (Arnell Ozaeta)
- Latest
- Trending