CAMP AGUINALDO – Dalawang sundalo ng 60th Infantry Battalion ng Phil. Army na maghahatid sana ng supply sa kanilang kabaro ang iniulat na nasawi makaraang tambangan ng mga rebeldeng New People’s Army sa liblib na bahagi ng Sitio Angelo, Brgy. Dagohoy sa bayan ng Talaingod, Davao del Norte kahapon ng umaga. Gayon pa man, tumanggi muna si Major Armand Rico, regional Army spokesman na isapubliko ang pangalan ng mga biktima dahil kailangan pang impormahan ang mga pamilya. – Joy Cantos
Trader todas sa holdaper
Binaril at napatay ang isang 49-anyos na negosyante habang dalawang iba pa ang nasugatan makaraang looban at holdapin ang isang fastfood chain sa Alunan Avenue sa Koronadal City, South Cotabato kamakalawa ng gabi. Napuruhan sa dibdib ng bala ng baril si Eddie Palacio, habang ginagamot naman ang sugatang misis nitong si Alicia, at ang kaibigang si Carolina Gato, kawani ng Department of Environment ang Natural Resources. Kinilala naman ni P/Senior Supt. Robert Kuinisala, ang mga suspek na nasakote na sina Norme Lumangca at Jerry Bandon Canse ng Pikit, North Cotabato. Narekober ang 2-celfon at P93,000 na ninakaw, subalit nakatakas ang isa pang suspek. – Joy Cantos
Flashflood: 5 mag-aaral patay
CAMP CRAME - Limang estudyante mula sa Abaca Primary School ang iniulat na nasawi makaraang malunod sa ilog nasakop ng Brgy. Tinuwayan sa bayan ng Don Salvador Benedicto sa Negros Occidental noong Huwebes. Kabilang sa mga nalunod ay sina Jesette Villajos, 9; Charlene Rebalde, 8; Mirasol Rebalde 8 at ang mag-utol na Rosemarie, 10 at Mila Remunda, 9. Patuloy naman ang search and rescue operation para sa nawawalang si Ferly Caballero, 8. Batay sa naantalang ulat na nakarating sa Camp Crame, ang mga biktima ay tumawid sa ilog at dahil sa lakas ng agos ng tubig-baha ay tinangay ang mga ito. Nailigtas naman sina Mylene Villajos, Jocelyn Remunda, Jomar Abapo at Janelta Abapo. – Joy Cantos
Nakawan ng bike, lumalala
CAMP CRAME – Naging talamak ang nakawan ng iba’t ibang uri ng motorsiklo kumpara sa iba pang uri ng kotse sa iba’t ibang bayan ng lalawigan ng Cavite. Ito ang nabatid na ulat kahapon mula sa Camp Crame, batay na rin sa talaan ng Highway Patrol Group (HPG)4-A na nakabase sa Cavite. Sa ulat ni P/Chief Inspector Allan Rubi Macapagal, pinakamababa na sa sampung motorsiklo kada linggo ang narerekober ng HPG. “Patunay lamang na mas mataas ang statistic ng mga nakaw na motorsiklo kumpara sa kaso ng mga nakaw na kotse, mas madaling maibenta ang bike kumpara sa mga kotse,” pahayag pa ni Macapagal. Kaugnay nito, nanawagan si Macapagal sa mga biktima na ipa-nationwide alarm ang kanilang nawalang sasakyan para mabilis na matunton at marekober. – Joy Cantos