Apat-katao ang iniulat na nasawi habang tatlong iba pa ang nasugatan makaraang muling umatake ang mga rebeldeng Moro Islmaic Liberation Front sa bayan ng Kalamnsig, Sultan Kudarat kahapon ng madaling-araw.
Kabilang sa mga napaslang na biktima ay sina Polinio Alberio, Reynan Cabarobias, Diosdado Cortado, Edgar Cortado, habang sugatan naman sina Joeyboy Bartolome, Jesusa Araniego at Danilo Gonzaga.
Ayon sa tagapagsalita ng regional Army na si Major Armand Rico, dakong alas-4 ng madaling-araw ng sumalakay ang mga rebelde sa nabanggit na bayan at nadamay ang himpilan ng PPMG sa Brgy. Sangay. Nagawa namang makaganti ng putok ng nagdepensang mga element ng PPMG na ikinamatay ng isang rebeldeng MILF na bineberipika pa ang pagkikilanlan.
Napag-alamang hinostage naman ng mga MILF rebs sina Brgy. Kagawad Luis Colao at Roel Suma na kapwa ginawang human shield laban sa mga tumutugis na tropa ng 64th Infantry Battalion ng Phil. Army. Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na rin ang tropa ng Army’s 601st Brigade kay Sultan Kudarat Governor Teng Mangudadatu para sa pagtugis sa tumakas na mga rebelde. Joy Cantos at Boyet Jubelag