BAGUIO CITY – Isang government prosecutor na nakatalaga sa bayan ng Agoo sa La Union ang hinatulan ng korte noong Biyernes na mabilanggo ng 147-taon dahil napatunayang nagkasala sa kasong large scale illegal recruitment, at estafa.
Sa 59-pahinang desisyon ni Presiding Judge Fernando Vil Pamintuan ng Baguio Regional Trial Court Branch 3, bukod sa pagkabilang ng mahabang panahon ay pinagbabayad ng P1.73 milyon ang akusadong si Atty. Catalino Pepi sa mga naging biktima.
Si Atty. Pepi na tumatayong vice president ng Transcend Employmenmt Services ay napatunayan ng mababang korte na guilty sa kasong simple illegal recruitment, illegal recruitment in large-scale at 10-counts ng estafa sa 15-kasong isinampa ng 13-katao na pinangakuan ng trabaho subalit hindi natuloy sa Holland, South Korea, Japan at Brunei noong 2002.
Sa record ng korte, hindi naman ikinaila ni Atty. Pepi, ang pagre-recruit sa 13 biktima at ang pagbibigay ng resibo sa kanila na katunayang nagbayad para maging factory worker, farmers, technicians, welders at iba pang trabaho sa Ireland, England, Japan, South Korea at Taiwan.
Subalit iginiit ni Atty. Pepi na ang Transcend Employment Services ay may lisensya na inisyu mula sa Maynila para mag-recruit at siya ay umaakto bilang agent and representative ng korporasyon bilang vice president.
Isinumite rin ng akusado kay Judge Pamintuan, ang desisyon ng korte sa San Fernando City, La Union na pinawalang-sala siya sa kahalintulad na kaso.
Ikinatwiran naman ni Judge Pamintuan na ang lisensya para mag-recruit ng Transcend ay ni-revoked kaya kailangang kumuha ng special recruitment authority mula sa POEA-Cordillera.
At dahil sa kakulangan ng lisensya para mag-recruit, hindi naipadala ang mga biktima sa ibang bansa kahit nagbayad ito sa nasabing abogado.
“The man of law and officer of the court who is supposed to preserve and exact obedience of the law has become the breaker and the shaterer of the law,” dagdag pa ni Judge Pamintuan.