Probe sa ex-Bise ng Batangas tuloy
Inatasan ng Court of Appeals ang Department of Justice na ituloy ang imbestigasyon sa kasong murder na kinakaharap ni dating Batangas Vice Governor Ricky Recto.
Bukod kay Recto, dawit din sa kasong murder, frustrated murder at crimes involving destruction of property sina Atty. Christopher Belmonte, Bettina Balderama, Christina Antonio, 1Lt. Angelbert Gay, 2Lt. Aldrin Baldonado, at 1Lt. JG Kiram Sadava.
Kaugnay ito sa pagpapasabog sa sasakyan ni dating Batangas Governor Armando Sanchez dalawang taon na ang nakalilipas na ikinamatay ng kanyang driver na si Luisito Icaro at ni PO2 Erci Landicho na close-in security naman ng dating gobernador.
Kinuwestiyon ni Belmonte ang pagpapatuloy ng DOJ sa pagdinig sa kaso dahil sakop na rin umano ito ng kasong rebelyon na kanilang kinakaharap sa DOJ kaugnay ng sinasabing nabigong pagpapabagsak sa gobyerno noong Pebrero 2006.
Nilinaw naman ng CA na ang parehong kaso ay nasa preliminary investigation pa lamang at wala pa sa korte kaya may kapangyarihan pa ang DOJ na ito ay dinggin.
Matatandaan na naganap ang insidente noong Hunyo 1, 2002 ha bang nakaparada sa Batangas Provincial Capitol Compound ang Hummer H-2 vehicle ni Sanchez nang bigla na lamang itong sumabog na kanyang ikinasugat at ikinamatay naman ng dalawa niyang tauhan. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending