LUCENA CITY -Napisak ang ulo, nabali ang braso at nagkasugat-sugat ang katawan ng isang 72-anyos na lolo makaraang mahagip ng trailer truck sa gilid ng kalyeng sakop ng Barangay Domoit, Lucena City, Quezon, kamakalawa ng umaga.Kinilala ng pulisya ang biktima na si Pablo Rogel ng Calmar Subd. sa nabanggit na barangay. Samantala, sumuko naman sa pulisya ang driver ng trak na si Ernesto Ludovice, 62, ng Isabela.Sa imbestigasyon ni PO2 Aldin Ranola, lumilitaw na nawalan ng panimbang ang biktima habang nagbibisekleta at tuluy-tuloy itong natumba sa gilid ng kalsada hanggang sa magulungan sa ulo at katawan ng trak (XDG-407) ni Ludovice. Tony Sandoval
Ex-pulis-Maynila itinumba
BATANGAS – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang retiradong pulis-Maynila ng tatlo-katao sa panibagong karahasang naganap sa bayan ng Cuenca, Batangas kahapon ng umaga. Kinilala ni P/Supt. Jesus Gatchalian, Batangas police director, ang biktimang si Pendatun Usman, 56, tubong Basilan. Tugis naman ng pulisya ang mga suspek na sina Demetrio at Felix Makalintal, magkapatid na bayaw ng biktima at isang alyas “Edwin”. Base sa police report, nakikipag-usap ang biktima sa kapamilya sa harap ng kanilang bahay sa Barangay San Isidro nang lapitan at ratratin ng mga suspek. May teorya ang pulisya na agawan sa lupa ang isa sa naging motibo ng pamamaslang. Arnell Ozaeta
AFP vs NPA: 200 pamilya lumikas
Umaabot sa 200 pamilya ang inilikas upang maiwasang madamay sa sagupaan ng militar at mga rebeldeng New People’s Army sa bahagi ng mga Brgy. Katihan at Simulao sa bayan ng Boston, Davao Oriental, ayon sa ulat kahapon. Sa ulat na nakarating sa Camp Aguinaldo, nabatid na ang mga nagsilikas ay kasalukuyang kinukupkop sa Poblacion sa bayan ng Boston matapos ang ilang linggong sagupaan ng militar at NPA rebs. Patuloy naman ang pamamahagi ng relief good ng lokal na pamahalaan sa mga na apektuhang residente. Joy Cantos
Kinidnap na mag-asawa, pinalaya
CAMP CRAME - Pinalaya na ang mag-asawang trader sa bisinidad ng Brgy. Tatayawan sa bayan ng Tamparan, Lanao del Sur kamakalawa. Sa ulat ng Regional police office, Walang anumang naging ransom ang kalayaan ng mag-asawang Hadji Akmad Disoma at Hadja Racman Disoma matapos dukutin sa Marawi City kamakailan. Kasalukuyan nang nakikipagkoordinasyon ang pulisya sa mga kinauukulan para sa pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga kidnaper. Joy Cantos