Bata na hit-n-run, inabandona
LUCENA CITY, Quezon - Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang 6-anyos na lalaki makaraang iwanan sa loob ng pampasaherong jeepney ng driver na nakasagasa, kamakalawa ng umaga sa M.L Tagarao Street, Barangay Ibabang Iyam, Lucena City, Quezon. Napuruhan sa ulo ang biktimang si Isaac Anterola habang tugis naman ng pulisya ang suspek na si Nestor Burhal ng Padre Burgos, Quezon. Sa ulat ni PO3 Ruel Cantos, nahagip ng sasakyan (NVA513) ni Burhal ang biktimang tumatawid at kaagad naman dinala sa ospital subalit habang minamaneho nito ang sasakyan sa Pleasantville Subd. sa Brgy. Ilayang Iyam ay iniwan nito ang batang duguan sa likod ng sasakyan. Nakita ng mga residente ang kaawa-awang kalalagayan ng biktima kaya isinugod nila sa Quezon Medical Center subalit nalagutan na ito ng hininga. Tony Sandoval
Holdaper dedo sa shootout
MALOLOS CITY, Bulacan — Isa sa tatlong kalalakihan na pinaniniwalaang notoryus na holdaper ang iniulat na napaslang makaraang makipagbarilan sa mga pulis sa Barangay Calvario sa Meycauayan City, Bulacan kamakalawa ng gabi. Kinilala ng pulisya ang napatay na si Dave Esquestas, 24, ng Brgy. Biniang 2nd, Bocaue, Bulacan. Ayon kay P/Senior Supt. Allen Bantolo, acting provincial police director, namataan ang mga suspek na sakay ng traysikel patungo sa Brgy. Saluysoy nang parahin ng ilang nagpapatrolyang brgy. tanod para sitahin. Imbes na huminto ay pinaharurot ang sasakyan saka nagpaputok ng baril. Nakatawag nang pansin sa ilang pulis na nagpapatrolya hanggang sa mapatay sa barilan si Esquestas. Narekober kay Esquestas, ang dalawang baril at dalawang celfon. Dino Balabo
Mag-asawa, anak utas sa jeep
CAMP CRAME – Maagang kinarit ni kamatayan ang mag-asawa at anak nilang babae makaraang mahagip ng jeep sa gilid ng highway sa Jaro District, Iloilo City kamakalawa. Idineklarang patay sa Western Visayas Medical Center sina Eugenio Lucena, Alam Lucena at ang dalagitang anak na 12-anyos. Sa ulat ng police regional office na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente dakong alas-4 ng hapon habang naglalakad ang mag-anak sa tabi ng highway ng mahagip ng sasakyan ni Rodney Carlon. Nahaharap naman sa kasong kriminal si Carlon na kasalukuyang naghihimas ng rehas na bakal sa police detention cell. Joy Cantos
- Latest
- Trending