LUCENA CITY – Pinaniniwalaang hiniram na celfon na hindi kaagad na naibalik ang naging ugat ng kamatayan ng isang obrero makaraang pagtulungang tagain ng tatlong magkakapatid kamakalawa ng gabi sa Purok Pagkakaisa, Barangay Ibabang Iyam Lucena City, Quezon.
Nagmistulang karne ng baboy ang katawan ni Rolando Tabarina y Gayacao, 36, may-asawa, habang tugis naman ng pulisya ang mga suspek na sina Randy Dawal, Romeo at Sydney Dawal.
Sa imbestigasyon ni SPO3 Renato Pelobello, dakong alas-7 ng gabi nang puntahan ng mga suspek ang bahay ng biktima upang kunin ang hiniram na celfon.
Hindi naman kaagad naibigay ng biktima ang celfon kaya nagalit ang mga suspek at naghamunan ng suntukan.
Mabilis na tinungo ng biktima ang kusina ng kanilang bahay at kumuha ng gulok saka lumabas upang harapin ang magkakapatid habang nakamasid lamang ang ilang kapitbahay.
Hindi pa man nakakaporma ay agad nang pinagtataga ng mga suspek ang biktima hanggang sa duguang bumulagta.
Mabilis namang naisugod ang biktima sa Lucena United Doctors Hospital subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga, habang tumakas ang mga suspek. (Tony Sandoval)