SOLANO, Nueva Vizcaya – Umaabot sa P1 milyong halaga ng ari-arian ang nalimas ng mga kawatan sa Internet café na may ilang metro lamang ang layo sa himpilan ng pulisya sa Abbacan Street, Brgy. Poblacion South sa bayan ng Solano, Nueva Vizcaya noong Sabado ng madaling-araw.
Kabilang sa mga gamit na nakulimbat mula sa Netopia Internet café ay ang 24 CPU (central processing units), 2 computer servers at digital camera.
Ayon sa ilang testigo, may isang Toyota Vanenette na nakaparada sa harapan ng nasabing Internet café bandang alas-4 ng madaling-araw at kahina-hinalang umalis matapos ang ilang minuto.
Nadiskubre ang nagkawala na mga computer matapos na pumasok ang ilang kawani kinabukasan.
Sa tala ng pulisya, ito na ang ikalawang naka wan sa commercial establishment sa nasabing bayan kung saan nilooban din ang Centro Mall na natangayan ng milyong halaga ng ari-arian may apat na buwan na ang nakalipas. (Charlie Lagasca)