Pinaniniwalaang nawalan ng pag-asa at naging desperado kaya humiwalay na ang karamihang tauhan ni Moro Islamic Liberation Front renegades Commander Ameril Ombra Kato, at nagpapanggap na mga sibilyang humalo na rin sa mga evacuees sa Central Mindanao.
Ito ang nabatid mula kay Army’s 601st Brigade Commander Col. Marlou Salazar, base sa intelligence report na kanilang nakalap.
Si Kumander Kato na may patong sa ulong P 10 milyon ay wanted sa batas kaugnay ng marahas na pananalakay sa 15 barangay sa pitong bayan ng North Cotabato noong unang bahagi ng Agosto 2008.
Samantala, kinukumpirma rin ng militar ang intelligence report na humalo na rin sa mga evacuees ang mga tauhan ni Commander Kato dahil sa matinding gutom kaya napilitang magsibaba sa kapatagan.
Sa kasalukuyan ay tanging ilang mga tapat na tauhan na lamang na karamihan ay kaniyang mga kamag-anak ang gumuguwardiya sa nagtatagong si Kumander Kato.
Idinagdag pa nito na hindi nila tatantanan ang grupo ni Kumander Kato hangga’t hindi tuluyang nalalansag. (Joy Cantos)