Limang miyembro ng militanteng grupong Bagong Alyansang Makabayan ang inaresto ng mga elemento ng pulisya at Presidential Security Group matapos mag-rally habang nagtatalumpati si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa Bacolod City, Negros Occidental, ayon sa opisyal kahapon.
Kinumpirma ni Bacolod City Police Director Sr. Supt. Ronilo Quebrar ang pagkakaaresto sa aniya’y walang modong limang militante na ipinahiya ang Negros Occidental kay Pangulong Arroyo.
Ayon kay Quebrar, sinampahan na nila ng kasong inciting to sedition, resisting arrest, alarm and scandal at illegal assembly ang mga inarestong sina Herminigildo Padilla, Everlito Algona, Bonifacio Alguna, Noel Espares Jr. at Gerardo Battalla, pawang residente ng La Carlota City, Negros Occidental.
Bandang alas–10:00 ng umaga nitong Miyerkules habang nagtatalumpati si Pangulong Arroyo sa opening ceremony ng Maskara Festival sa Bacolod City Plaza nang biglang manggulo ang mga raliyista at ibandera ang kanilang mga placards.