QUEZON – Palaisipan sa mga residente kung nagkataon lamang o likha ng imahinasyon ang paglitaw ng isang babae na may mahaba ang buhok at puti ang damit (white lady) sa nasusunog na van na ikinasugat ng isang doktor, kamakalawa ng umaga sa Barangay Lumingon, Tiaong, Quezon.
Ang nasabing white lady ay nasaksihan ni Lolita Leviste habang siya ay sakay ng kotse. Kasabay ng multo sa van ay ang mag-inang Dra. Retchel Go, Angelita at kapatid na si Ronald, 27, na pawang mga residente ng Novaliches, Quezon City, habang sila ay bumababa sa nasusunog nilang van.
Napag-alamang, dakong alas-5 ng umaga, binagtas ng van na may plakang XAA-716 ang kahabaan ng highway patungo sa medical mission nang biglang magliyab ang unahang bahagi ng sasakyan na minamaneho ni Ronald.
Kaagad na inihinto ni Ronald ang van upang makaiwas sa tiyak na kapahamakan, subalit habang sila ay lumalabas ay dinilaan ng apoy ang kamay si Retchel at nagtamo ito ng 2nd degree burn.
Namataan din ng mga residente ang white lady na lumabas ng van kasabay ng mag-iina, gayon pa man, nang tanungin ang mga biktima ay sinabi nilang wala naman silang kasama na ibang babae, subalit gumapang ang kilabot sa kanilang katawan sa binanggit sa kanila tungkol sa white lady. (Tony Sandoval)