CAMP VICENTE LIM, Laguna – Nag-alok ang pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ng sampung libong pabuya kada pugante sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon laban sa siyam na pugante na pumuga sa Biñan municipal detention center noong Miyerkules ng madaling-araw.
Ayon kay P/Supt. Mafelino Bazar, hepe ng Biñan PNP, pito na sa 16 na preso ang kanilang nababawi matapos na magsisuko.
Habang ginagawa ang balitang ito, pitong preso na ang naibabalik sa Biñan jail kabilang sina Ralph Ochoa, Andrew Placios, Romano Mane, Erickson Javier, Wilson Esteban, Aries Bon at Marlon Pascual.
Patuloy pa rin naman ang paghahanap kina Angelo Estrella, Edwin De Vega, Raymundo Salde, Junar Emeterio, Adolfo Tanael, Jhonil Otbo, Jhon Lizardo, Edwin Osis at Rudy Pagkaliwangan.
Matatandaang bandang alas-3 ng madaling-araw nang makatakas ang labing-anim na preso na nahaharap sa ibat-ibang kaso tulad ng robbery, carnapping at droga nang pagtulungan nila ang nag-iisang jail officer na si JO1 Nestor Sabado habang naghahatid naman ang kasamahan nitong si JO1 Novel Chicay sa maysakit na preso sa ospital.
Sinibak na rin sa puwesto si P/Chief Inspector Gonzales Oggang bilang warden ng Biñan at pumalit naman si P/Chief Inspector Melchor Antigue habang iniimbestigahan ang una.
Sasampahan na rin ng panibagong kasong assault in person with authority laban sa inmate na si Wilson Esteban matapos pangunahan ang jailbreak. (Arnell Ozaeta, Joy Cantos at Danilo Garcia)