Umaabot sa 51-ka tao ang iniulat na naospital makaraang malason sa kinaing chopsuey sa pananghalian sa pagdiriwang ng Senior Citizen’s Week sa Roxas City, Capiz kamakalawa.
Gayon pa man, patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng mga biktimang dinala sa tatlong ospital sa Roxas City. Base sa ulat ni P/Chief Supt. Isagani Cuevas, regional police director, ang mga biktima ay pawang miyembro ng Office of Senior Citizens Affair (OSCA) na nagsagawa ng 3-araw na aktibidad sa Dinggoy Roxas Civic Center. Napag-alaman mula kay Romeo Arcenas, elderly consultant ng non-government affairs (NGA), na sa pangatlong araw ay nananghalian ang mga biktima ng chopsuey na inihanda ng isang caterer subalit makalipas ang ilang oras ay nakaranas na ng pananakit ng tiyan, pagsusuka, pagtatae at panghihina ng katawan kaya kaagad na isinugod sa mga ospital.
Sa pinakahuling ulat, ang 25-biktima ay dinala sa St. Anthony Hospital, 21 sa Capiz Memorial Hospital at lima naman sa Emmanuel Hospital.
Napag-alaman pa na hindi lamang mga miyem bro ng OSCA ang nalason kundi maging ilang kaanak ng mga ito na dinalhan ng tirang pagkain.
Sa kasalukuyan, nagdala na rin ng sample ng chopsuey sa pagamutan upang masuri. (Joy Cantos)