P1M sa 2 bihag ng Abu
Humihingi ng P1 mil yong ransom ang mga bandidong Abu Sayyaf kapalit ng pagpapalaya sa dalawa pang nalalabing peace volunteer na bihag sa Basilan.
Ito ang nabatid base sa ipinarating na mensahe ng mga kidnaper sa binuong Crisis Management Team na pinamumunuan nina Basilan Vice Governor Alrasheed Sakalalul at Fr. Angel Calvo.
Nilinaw naman ni Prof. Octavio Dinampo, pangulo ng Mindanao People’s Caucus, na kasama sa prosesong pangkapayapaan, na ang hinihinging halaga ng Sayyaf ay bahagi lamang ng negotiation fee at hindi pa ito ang aktuwal na ransom demand.
Kabilang sa nalalabi pang bihag ng mga bandidong Abu Sayyaf ay sina Esperancita Hupida, program director ng Nagdilaab Foundation at Millet Mendoza, freelance community development specialist, na kabilang sa lima na kinidnap noong Sept. 15 sa Brgy. Cabangalan, Unkaya Pukan, Basilan.
Inihayag pa ni Dinampo na dalawa ring kilalang pulitiko ang nais ng mga kidnaper na makipagnegosasyon sa kanilang grupo.
Bagaman hindi muna tinukoy ni Dinampo kung sino ang pulitiko ay maugong ang pangalan ng dalawang Senador na sina Loren Legarda at Francis “Kiko” Pangilinan.
Inaasahan namang hindi na magtatagal ay mapapalaya na ang mga bihag matapos ang sele brasyon ng Eid al Fitr na siyang hudyat ng pagtatapos ng Ramadan. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending