BAGUIO CITY — Nalalagay sa balag ng alanganing masibak sa tungkulin ang hepe ang PCP 4 sa Baguio City makaraang magsagawa ng sariling imbestigasyon ang Commission on Human Rights (CHR) para alamin kung nilabag ang karapatang-pantao ng isang Baguio-based photojournalist na dumanas ng hindi parehas na pagturing ng pulisya.
Ipinahayag ito ni CHR Commissioner Leila De Lima, sa panayam sa GMANews. Tv na aalamin nila kung talagang nilabag ni P/Insp. Joseph Del Castillo, hepe ng Police Community Precinct 4, ang karapatan ni Cesar Reyes, photojournalist ng People’s Tonight, matapos na ito ay masangkot sa simpleng traffic accident noong gabi ng Setyembre 18 sa Session Road, Baguio City.
Nagsampa na rin ng kaukulang kaso si Reyes laban kay Del Castillo, na nagdiin sa kanya na makulong.
Ginawa ni De Lima ang aksyon matapos maalarma ang Quezon City Press Club (QCPC) kaugnay sa naganap na insidente sa Baguio City, na may nakakakilabot na epekto sa pamamahayag sa bansa.
“Ang kaso ni Reyes ay concern ng bawat journalist. Puwede itong mangyari kahit kanino, kung magsasawalang-kibo na lamang tayo,” ayon kay Joel Sy Egco, QCPC president at chairman ng National Press Club’s committee on press freedom.
Si Reyes ay nakulong ng 80-oras sa Baguio City Jail at nakalaya lamang noong Lunes matapos makapag-piyansa ng P3,000 sa kaso nitong grave threat.
Dinismis naman ni Prosecutor Ruth Bernabe ang kasong illegal possession na isinampa ni Del Castillo, sa kabila ng kompleto sa papeles at permit ang nasabing baril. (Artemio A. Dumlao)