Maliit ang tsansa na mare kober ng buhay ang 14 minero na nakulong sa gumuhong tunnel noong Lunes sa bayan ng Itogon, Benguet, ayon sa ulat kahapon.
Batay sa report na nakarating kahapon sa National Disaster Coordinating Council (NDCC), nangangamba ang search and rescue team na posibleng patay na ang 14 minero sa loob ng tunnel ng Gold Field Mines sa nasabing bayan.
Sa tala ng NDCC , kabilang sa 14 minero ay sina Gilbert Matin, Garry Ganu, Rudy Bulaing Jr., Joel Bulga, Jeyson Himayod, Rudy Himayod, Jojo Himayod, Juan Himayod, Marvin Himayod, Vincent Himayod, Joseph Anayatan, Mario Anayatan, Gerry Monyboda, at Robert Buay na pawang magkakamag-anak mula sa Ifugao, Mt. Province at Quirino.
Nabatid na nawawalan na ng pag-asa ang search and rescue team na buhay pa nilang mailalabas ang mga biktima, dahil sa patuloy na lakas ng tubig na lumalabas sa minahan.
Sa pahayag ng mga rescuer, kung sakaling nakahanap man ng ligtas na lugar sa tunnel ang mga minero, ay hindi rin makakatagal dahil sa toxic gas sa loob ng minahan.
Sa radio interview, sinabi naman ni Itogon Mayor Mario Godio na umaasa silang may maililigtas pang survivor sa halip na pulos bangkay ng mga minero.
Sa kabila nito, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang pamilya ng mga biktima na maililigtas ang kanilang mga mahal sa buhay. Joy Cantos