BAGUIO CITY – Tatlong residente rito na nalibing sa landslide ang nahukay mula sa bunton ng mga putik, basang lupa at bato kamakalawa ng gabi habang papalabas ng bansa ang bagyong Nina. Bukod sa tatlong nasawi, umabot sa 19 na katao ang sugatan sa trahedya hanggang kahapon ng tanghali.
Nahukay ng mga rescuer ang 76 anyos na lolang si Lolita Baroma na nalibing sa putik sa Barangay Guisad Surong nang tumabon sa kanyang bahay ang gumuhong lupa bandang alas-4:00 ng hapon ng Lunes. Kasama niyang nalibing ang anak niyang si Juan.
Sa isa pang landslide sa Dominican Extension barangay sa lunsod ding ito, nasawi ang 38 anyos na si Lielany Fetcha.
Sinabi ng public works department na nahagip ng landslide ang halos lahat ng daan papasok at papalabas ng Baguio City bagaman nadadaanan pa ang mga ito.
Sa pahayag ng mga kapitbahay ng mga biktima, bigla na lamang dumagundong nang malakas sa lugar at kasunod nito ay natabunan ang bahay ng matanda.
Agad namang inilikas ang iba pang residente sa lugar sa pangambang maulit ang landslide. (Artemio Dumlao at Joy Cantos)