13 minero nalibing nang buhay sa tunnel
Labingtatlong minero ang iniulat na nakulong o nalibing nang buhay sa tunnel ng isang minahan ng ginto sa Purok 7, Gold Field Poblacion sa Itogon, Benguet kamakalawa ng gabi kasabay ng pananalasa ng bagyong Nina sa lalawigan.
Batay sa report, dakong alas-7:30 ng gabi nang pumasok ang mga pribadong minero ng Saranay Community Association sa pamumuno ng Pangulo nito na si Weiver Layaban sa tunnel.
Bunga nito, agad na bumuo si Benguet Governor Nestor Fongwan ng search and rescue teams para sa pinaghahanap na 13 minero matapos na matanggap ang ‘distress call’ dakong alas-4:00 ng madaling-araw kahapon.
Dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan ay napuno ng makapal na putik ang ‘portal entrance’ o unahang lagusan ng minahan na pinasok ng nasabing mga minero. Ang Itogon ay may 30 kilometro ang layo mula sa silangan ng lungsod ng Baguio City.
Ang nasabing mga minero ay kabilang sa mga residente sa lugar na naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Nina.
Sa ulat na ipinarating sa Office of Civil Defense ni George Baywong ng Mines and Geosciences Bureau, nabigong makabalik sa kanilang mga tahanan ang naturang mga minero nitong Lunes ng gabi.
“Hindi pa natin mabatid kung buhay sila o patay na. Umaasa tayong meron pang air pocket sa kanilang kinaroroonan, sabi pa ni Baywong.
Pinaniniwalaan namang ang naturang mga minero ay na-trap sa tinatayang 400 hanggang 700 talampakang lalim sa nasabing minahan
Inamin kahapon ng Cordillera Provincial Police Office na hirap sila sa search and rescue operation sa 13 minero.
Ayon kay Cordillera Regional Police Office Director Chief Supt. Eugene Martin, ito’y sa dahilan ng malakas na agos ng tubig sa tunnel ng minahan.
Bukod dito ay maputik sa lugar bunga ng malalakas na pag-ulan na dulot ng southwest monsoon rains na buntot ng bagyong Nina.
Kinilala ni Martin ang ilan sa mga minero na sina Joel Bolga, Gilbert Matin, Rudy Bulaing Jr., Marvin Himayod, Vincent Himayod, Rudy Himayod, Robert Buay, Joseph Anayatan, Mario Anayatan at Jojo Himayod.
Samantala, umaabot naman sa tinatayang 90 mga kabahayan ang natabunan matapos na gumuho ang bundok sa naganap na landslide sa Itogon, Benguet kahapon.
Batay sa report na nakarating kahapon sa Office of Civil Defense bumigay umano ang lupa at tuluyang nilamon ang mga kabahayan dito na sentro ng minahan sa lugar.
Ang insidente ay sanhi ng malalakas na pag-ulan na epekto ng bagyong Nina na nagpalambot sa lupa na tu mabon sa mga kabahayan.
Aabot naman sa mahigit 71 pamilya ang naapektuhan matapos na matabunan ng tinatayang 300 metro ng gumuhong lupa na may taas na 30 talampakan ang kanilang mga kabahayan sa Brgy. Loakan at Antamok.
- Latest
- Trending