Animo’y manok na pinugutan ng ulo ang isang 12-anyos na dalagita ng sariling ama na pinaniniwalaang sinapian ng masamang espiritu sa bayan ng Pamplona, Cagayan kamakalawa.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Jannette Daquigan, estudyante at residente ng Barangay Casitan ng bayang nabanggit.
Nakilala naman ang suspek na bitbit pa ang pugot na ulo ng kaniyang anak nang madatnan ng mga awtoridad na si Remigio Daquigan, 52, magsasaka at residente rin ng nasabing lugar.
Batay sa police report na nakarating sa Camp Crame, naganap ang krimen bandang alas-5 ng hapon bago gumapang ang dilim sa tahanan ng mag-amang Daquigan.
Lumilitaw sa imbestigasyon, biglang nagwala ang matandang Daquigan sa kanilang barangay kaya humingi ng saklolo ang barangay chairman sa mga alagad ng batas sa bayan ng Pamplona.
Kaagad namang nagresponde ang ilang pulis at nadatnan pa ang suspek na hawak-hawak ang duguang mahabang itak na ginamit sa pamumugot sa sariling anak.
Sa isa pang kamay ay tangan naman nito sa buhok ang naputol na ulo ng dalagita na inihagis sa damuhan habang naghihiyawan ang mga kapitbahay ng pamilya Daquigan.
Napag-alamang nagpaputok ng baril sa ere ang ilang pulis bilang warning shot para pasukuin at ibaba ng matanda ang hawak na itak, subalit sa halip ay nag-amok pa ito na tangkang susugurin pa ang pangkat ng pulis.
Hindi na nagdalawang isip si SPO3 Cornelio Limeng Eduarte Jr. at binaril sa ulo ang sumusugod na suspek na duguang bumulagta.
Ayon sa mga kamag-anak ng suspek, mayroon problema sa pag-iisip ang matandang Daquigan na siyang nakikitang dahilan kaya nagawa nitong pugutan ang sariling anak.