CAMP VICENTE LIM, Laguna – Isang 44-anyos na pulis ang iniulat na napatay makaraang pagbabarilin ng dalawang lalaki na nakasagi sa kanyang mini-bus sa Soriano Highway sa Brgy. San Roque, Naic, Cavite kamakalawa ng gabi.
Si PO3 Cesar Perillo ng Villa Apolonia Subd. sa Brgy. Ibayo Silangan, Naic ay nakipagtalo sa mga suspek na sina Ronnie Madlangbayan at Lito Claros matapos masagi ang pag-aaring mini-bus (DXE224) na minamaneho ni Virgilio Alba rico.
Ayon kay P/Chief Insp. Ruben Lacuesta, hepe ng Naic PNP, nang malaman ng biktima ang nangyari, agad itong tumungo sa nasabing lugar at kinompronta ang dalawa hanggang sa mauwi sa pamamaril ng dalawang suspek na kapwa naninirahan sa Brgy. Pinagsangahan, Maragondon, Cavite.
Kaagad na tumakas ang mga suspek na sakay ng Toyota Corolla (PEH 601) habang ang biktima ay idineklarang patay sa San Lorenzo Ruiz Hospital. Arnell Ozaeta at Cristina Timbang