Hapones natagpuang patay
Isang Hapones ang natagpuang patay sa loob ng tinutuluyan nitong apartment sa Consolacion, Cebu kamakalawa ng tanghali.
Kinilala ang biktima na si Hiromi Susuki Osato, 59 anyos, nanunuluyan sa Gorgonio apartment sa naturang lugar.
Wala namang nakitang anumang indikasyon ng foul play ang mga Scene of the Crime Operatives ng pulisya sa isinagawang pagsusuri sa apartment ng Hapones.
Ang bangkay ng biktima ay dinala na sa funeral parlor para maisailalim sa awtopsya at ng mabatid ang sanhi ng pagkamatay nito. (Joy Cantos)
Pekeng P1,000 nasamsam
Naga City – Siyam na pirasong pekeng tig-P1,000 ang nasamsam ng mga awtoridad sa dalawang suspek na nagtangkang ipalit ang mga ito sa isang Smart Money Transfer kahapon ng umaga sa Barangay San Miguel, Iriga City.
Nakilala ang biktima na si Don Colarina, manager ng Pinet Smart Money Transfer.
Ang dalawang suspek na nasakote ay nakilalang sina Carlito Lamadrid 36, may asawa at residente ng Barangay Mascarena, Alabat, Quezon; at Maria Cecilia Ramos, 32, dalaga, ng Balanga, Bataan. (Ed Casulla)
Kagawad grinipuhan
Camarines sur – Isang kagawad na si Jaime Talagtag, 61, ng Barangay San Roque, Bato ng lalawigang ito ang natagpuang tadtad ng tama ng saksak sa kanyang katawan sa loob ng stock room ng kanyang rice mill kahapon ng umaga.
Napag-alaman na ang biktima ay maagang nagising at nagtungo sa bodega subalit laking gulat na lamang ng kanyang mga kapamilya nang matagpuan nila ito doon kinalaunan na nakahandusay at tadtad ng saksak sa katawan.
Natagpuan sa lugar ang isang kutsilyo na may bakas ng dugo na tinatayang ginamit ng suspek sa pananaksak sa biktima at maiwanan nito nang ito ay tumakas papalayo sa lugar dahil sa pagmamadali. (Ed Casulla)
2 menor-de-edad nasagip sa bar
CABANATUAN CITY – Dalawang menor-de-edad kabilang ang isang pipi’t bingi ang nailigtas ng Nueva Ecija Police sa pagsalakay nito sa may 40 beer house sa Maharlika Highway, Barangay Diversion, San Leonardo, Nueva Ecija noong Huwebes ng gabi.
Ayon kay P/Supt. Peter Guibong, deputy provincial director for operations at leader ng raiding team, ang isa sa dalawang nailigtas na batang babae mula sa bayan ng Laur ay nabalik sa piling ng kanyang ina, matapos na isang linggo na puwersahang pinagtrabaho bilang guest relation officer sa isa sa mga beer house. (Christian Ryan Sta. Ana)
Kapitan itinumba
Pinaslang ng mga nagpapakilalang miyembro ng New People’s Army nitong Sabado ng tanghali si Winifrido Ygot, kapitan ng Barangay Halabang Baybay, San Pascual, Masbate.
Kagagaling lang ni Ygot sa isang sesyon ng barangay council nang pagbabarilin at mapatay ng mga rebelde. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending